ATE | KUYA
- Cyril Alexandria Florentino Castro
- Dec 9, 2021
- 2 min read

Nanay, tatay, gusto kong tinapay. Ate, kuya, gusto kong kape. Lahat ng gusto ko ay susundin mo, siyang magkamali ay pipingutin ko!
Palasak na sa mga bata ang larong iyan, nabigkas na ang tawag sa mga magulang at kasunod naman ay ang mga salitang tumutukoy sa ating mga kapatid. Ate o kuya? Sino nga ba ang mas lamang? Ate o kuya? Sino nga ba ang mas mapag-alaga? Ate o kuya? Sino nga ba ang mas maalalahanin? Ate o kuya? Kadalasang tanong ng mga magkakapatid. Ngunit sino nga ba talaga? Tunay nga bang may kasagutan sa mga katanungang iyan?
Sabi nila’y ang ating mga ate raw ang tunay na maalaga, masipag at mas maunawain pagdating sa paglingap sa ating magkakapatid, ang iba nama’y si kuya raw ang may mga katangiang ganito. “Mas gusto ko ang magkaroon ng kuya dahil mas maalaga sila at mas mapoprotektahan ako” sabi ng iba, samantalang “Mas gusto kong magkaroon ng ate dahil mas mabait at mas matutulungan nila ako” ngunit anuman sa dalawa’y tama. Hindi basehan ang kasarian upang matawag na mas lamang, sa pamilya man o sa lahat ng bagay. Kagaya na lamang ng mga puna tungkol sa kung sino ang mas lamang sa pagkalinga sa magkakapatid ay maiuugnay natin ang “Ate o Kuya” sa usaping kinahaharap ng LGBTQ+ sa ating daigdig. Hindi tamang pagtrato, pagdidikta kung ano ka lamang, pangmamaliit at pangungutya sa iyong sekswal na preperensya ang ilan sa mga negatibong puna lagi sa mga taong nabibilang sa LGBTQ+ community.
Ngunit sa kabila ng lahat ay alam naman natin na kahit ano man ang ating kasarian, katayuan sa lipunan at preperensiya’y kagalang galang ang isang tao hangga’t siya ay walang ginagawang masama. Alam natin na kahit babae ka man, lalaki, bakla, tomboy o kahit ano pa, ikaw ay maari pa ring maging mapagmahal, maging makalinga, maging protektibo at kung ano pa man ang gusto mong “maging”. Ate o kuya? Huwag nang mamili sapagkat ano ka man diya’y tunay kang wasto at may kabuluhan!



Comments